sa aking pagkabata

may mga panahon na ninanais nating balikan ang ating nakaraan, ang ating pagkabata.

Tuesday, June 17, 2008

Isang Dangkal.

Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lim-a. A-nim. Pi-to. Wa-lo. Si-yam. Sampu. Cha!

Ganyan magbilang ang mga batang may hawak ng dangkal-dangkal na text. Limang piso, dalawampu't limang piraso. Pero dun sa 25 piraso na yun, dapat may pamato at panabla ka na, para sure na ang iyong pagkapanalo at ang paglago ng iyong business. Ganyan dati, may kampihan pa nga eh, ang mga teks namin nun, dragon ball, mojacko, ghost fighter, pokemon, at kung anu-ano pang mga sikat na palabas na pambata at sa mga nagaastang bata. Dangkal-dangkal dati, maghahanap ka pa ng box na pwedeng paglagyan ng mga ito, o di kaya ay tanggalin ang laman ng drawer at dun ay ilalagay at aayusing mabuti ang mga ito.

Masaya maglaro ng teks, dati pa nga tanghaling tapat nasa labas ako ng bahay, dala-dala ang dangkal-dangkal na teks, tapos hahanap ng makakalaro/makakalaban at para palaguin ang teks ko. Kahit sino pwedeng kalabanin, kahit na mas bata sa akin. Yan ako dati, taong labas, pero di naman masyado. Kaya siguro ganito kulay ng balat ko ngayon. Haha.

Masaya maglaro ng teks, maraming variety din ito, merong maliliit na text (small), merong sakto lang (medium) at meron din namang parang playing cards na sa laki (large). Maraming paraan din ng paghahawak nito at pagpapaikot sa ere. Kaso nga lang di ko na matandaan ang tawag dito.

Cha! Chub! Cha! yes panalo ako! akin na yan! dagdag sa koleksyon ko! Mas mataas ang ikot, mas mataas ang tsansang manalo ka. Tama. Mananalo ka, depende kung gaano katigas o kalambot ang teks mo, kung ito ba ay malutong pa, o laspag na, dahil nga sa sobrang gamit na gamit na at yun lang ang alam mong pamato at dahil yun ang nagdadala sa iyon ng sankaterba't dangkal-dangkal na teks.

Siyempre, pag nananalo ka, manghihingi ng balato kalaban mo, nasa iyo na lang kung bibigyan mo. Natatalo din naman ako, at nauubos ang dangkal-dangkal kong teks, kasi mas malakas pamato ng kalaban ko, kakainis. Siyempre nasa taktika mo na rin yan kung gusto mo pa magtira ng para sa iyo. Lahat-lahat na pwera pamato, panabla, o di kaya lahat lahat na pati pamato panabla. Siyempre pag yung una ang itinaya mo, may matitira ka pang dalawang teks, at pag natalo ka, pwede mo pa yun itaya (ubusan ng teks to!!!) siyempre, pag nanalo ka ulit, dagdag dalawa na ulit hanggang sa lumago ulit yan, at hanggang sa matalo ka ulit. Yan, yan nga, ilang oras akong nasa labas ng bahay para lang mag laro nito. Wala pang kompyuter nun eh.

Minsan naman, magtataya ka depende sa dangkal. Tapos pag nanalo ka, pagtatabihin ang dalawang teks (isa sa iyo, tapos yung isa sa kalaban) tapos yun, hahanap ng patag na lugar para pag-kumpara at para malaman kung gaano karami makukuha mo sa kalaban! Yes, marami na ulit teks ko! kikita na ako niyan! wohooo.

OO, nagiging business namin ang teks, limang piso dalawang dangkal, may kasamang pamato. Yan nga yun. At pagkatapos magbentahan, lalabanan agad yung pinagbentahan, para makuha ulit yung teks na ibinenta, ganyan ang kalakaran dito. Ganyan ka-business minded mga bata dito nuon, ngayon, wala na, iba na kinahihiligan nila eh, ang pagsasayaw ng mga novelty songs, kompyuter at kung anu-ano pa. hay.

Siyempre, may iyakan blues din dito, pag natalo yung pinagbentahan, ayun iiyak na lang, o kaya pag natalo sa laban, iiyak, magsusumbong sa nanay, kami naman, aawayin sila, kampihan ito! haha, talo sila pag ganun, lalaban laban sila, tapos iiyak pag natalo, walang kwenta, haha. (siyempre mas bata sa akin ang napapaiyak ko 'no, mean)

Hay, namimiss ko na maglaro nito. Pramis! haha

No comments: