sa aking pagkabata

may mga panahon na ninanais nating balikan ang ating nakaraan, ang ating pagkabata.

Wednesday, June 11, 2008

Unang araw ng pasukan.

Disclaimer: kung ayaw niyong basahin ang ganito kahabang entry, di wag, walang pumipilit.

Elementary.
GRADE 1. Limang taong gulang pa lamang ako ng ako'y nag-grade 1, Ito ang mga panahon na dapat ay aking ninanamnam ang pagiging bata at nakikipaglaro sa ibang mga bata na kasing edad ko. Ngunit hindi, duon ako nakaupo sa isang silya na pinaglumaan na ng panahon, isang silya kung saan ay nandun nakaukit ang mga pangarap ng isang estudyanteng umupo duon bago pa man ako. Isang silya na kung saan ay natuto akong sumulat, magdrowing, magbasa at mag-aritmetik. Dito, nahubog ko ang aking pangarap, ang aking mundo.
Unang araw ng klase, bagong damit, bagong sapatos, bagong relos, bagong bag, lahat ay bago. Kasama ko si mama na inihatid ako sa building kung saan ay dun ko matututunan ang unang hakbang sa pag-abot ng aking pangarap. Nuong una, ako'y kahit papaano'y takot pa, di ko alam kung anong gagawin ko, kung ano ba talaga ang ginagawa ko duon. Iniwan ako ni mama, inihabilin sa guro na maghuhubog ng mga pangarap namin. Bagama't ako'y bata pa nuon, sariwa pa sa akin ang mga pangyayaring tumatak sa aking puso't isipan. Ang mga misteryo sa iskwelahan na aking pinasukan, ang mga 'multo', ang pinanggalingan nito, at kung anu-ano pang maaring gawa ng iilang kabataang may malilikot na imahinasyon. Teka muna, bakit ba ako nakapasok sa paaralang ito? bakit nga ba?
Natatandaan ko pa nuon, nakasakay kami sa jeep, binabagtas ang Katipunan kung saan nandun, matayog na matayog ang mga paaralang di ko pa alam kung ano ba talaga iyon. Nagtungo kami sa isang iskool, UPIS, tama, yun nga iyon, duon dapat ako magaaral, nagtest ako, nakapasa (daw) ako (dahil di ko na matandaan ang parteng ito), ngunit ang edad ko ang di nakapasa, masyado daw akong bata para maging Grade 1, tama, yun nga iyon. Dahil bago pa lang kami sa aming lugar, wala pang alam si mama, buti na lamang, nakita niya at nahanap niya ang kanyang 'bestfriend', siya, siya ang nagturo at nagrekomenda sa paaralang iyon. Ito'y isang pampublikong paaralan, ipinangalan ito sa isang 'byuti kween', tama, dun nga. Pura V. Kalaw Elementary School, yan, diyan ko hinubog ang aking mga pangarap.
Masaklap, masaya, napaka-saya, yan ang aking masasabi sa anim na taong pamamalagi ko bilang isang estudyante ng paaralang ito. Dito, napagalitan ako ng mga guro, dito nautusan akong magdilig, magtanim ng palay, mag-sunog ng basura, magbunot at magsunog ng mga damo, mag-pako (yung magbubungkal ng lupa), mang-huli ng tutubi, mag-agawan base, patintero, magtanggal ng mga kuhol at suso, magbunot, magwalis, mag-floor wax, mag-mop, at kung anu-ano pang 'livelihood' projects na kanilang pinapagawa. Oo nga naman, di ako ligtas sa mga ganito, dahil nga naman ito ay isang public school, dito ko din nakuha ang unang award ko sa larangan ng arts, ginuhit ko lang naman ay ang building kung saan namamalagi ang mga grade 5 at 6, ginuhit ko siya, at mapalad naman ako'y nanalo. Ay oo nga pala, rumampa din pala ako sa United Nations Month, grade 1 ako nun, ako si Aladin, oo na, dati kasi maputi pa ako (walang kokontra, may pruweba ako), ayun ni-represent ko lang naman yung section samapaguita namin. haha. At dito din ako natutong mag-ballroom, oo na, ballroom, pero naman, may kinahinatnan naman ito (grade 4 ako). At yun na. At naging-treasurer pala ako nuon, no wonder, kasi ganito yun, ang pagkakatanda ko, umayaw yung nakakuha ng pwesto ng treasurer, ayun, ako napiling kapalit. At ito pa, haha, top notcher ako nun, grade 1-3, nung grade 3 ako naging top 1 pa ako, tapos natapos lang yun nung lumipat ako sa SMC (science-math class), ito yung cream-of-the-crop (tama ba?) na section, star section for short.
ito yung mga sections ko nuon
Grade 1 Sampaguita
Grade 2 Grapes
Grade 3 Bonifacio
Grade 4 Mayon?
Grade 5 Pearl?
Grade 6 Venus

HIGHSCHOOL.

Unang araw ng klase, maliit ako, oo na, ang polo ko nuon ay para ng daster ng nanay ko sa laki, tapos mataba pa ako nun (chubby), unang araw, sa Roosevelt College Quirino (wala na siya ngayon.), at dahil nga sa mga grades ko, sa star section na naman ako, haha, yabang 'no? Pinapunta pa ako ng nanay ko sa Guidance, kasi nga, para di ako mawala (hello? maliit lang kaya yun school) at yun nga, dun lang ako namalagi hanggang sa mag-ring ang bell at hudyat na nga ng pagsisimula ng klase, hapon ang pasok ko, 12 nagsisimula, so no need na para sa flag raising ceremony, yun, pakilala, saan galing, at kung ano ano pa. yun na yun. Dito, ako'y kinagigiliwan ng mga higher batch, dahil nga naman sa liit ko, at sa pagka-chubby ko noon at kalbo pa ako noon ah, nanay ko kasi eh. Ayun nga, dahil nga sa aking charm (walang kokontra ulit) ako'y napiling 'florante' ng mga second year, biruin mo? at yun nga, kasama ako sa mga praktis, at kung ano-ano pa, pero masaya naman siya, at maganda naman ang kinalabasan ng play namin. Dito naman, maraming mga seminars at livelihood projects, at kung anu-ano pa. Sumasali din ako sa mga art contest at pinapalad namang di manalo. ito na yun, 'yaw ko na pahabain pa.

Sections ko;
1st year Sampaguita (ulit?) ?
2nd year Molave?
3rd year Makiling ?
4th year Rizal

COLLEGE:

Unang pagkakataon na ako'y maglalakbay ng napakahaba (dati kasi, isang trike lang, solve na ako, lapit lang ng schools ko sa bahay eh), Tricycle papuntang hi-top, lakad, lrt2, pedicab, at yun na, ang pinakamamahal kong Beato, ang UST, dahil nga sa aking katangkaran, di ako agad nakakuha ng damit, kaya iba ang outfit ko sa karamihan na naka-uniform, umu-order pa ng xs na polo, ayun. Pakilala dito, pakilala duon, yun ang naging siste, buti na lang, may nakilala na ako bago pa man ang pagbubukas ng klase, ay oo nga pala, as usual, nagkaroon ng Mass, yun lang, uwian na ulit. Yan ang first day ko sa UST. haha.

Fast-forward tayo, fourth year na kami, ang iba, di ko na nakikita at di ko na matandaan ang itsura o di kaya'y pangalan, June 11, 2008, ito na ang last first day ko bilang estudyante ng fine arts sa UST, masaya, malungkot, halo-halong emosyon, first day ko pa lang, late na naman ako, as in, tumakbo pa ako papalabas ng bahay, 11 am ang pasok, 11 am din ako umalis ng bahay, sa beato na, nakita ko si karla at kuya matt, sabi si sir daw ang prof! oh no! takbo!!! buti na lang, di siya nag-check ng attendance, at nag-talk lang siya about what is our subject is all about (wow english), na-inspire nga ako na maglipat ng thesis, pero wag na. Ayun, maraming bagong mukha, pero sakto lang. Sandali lang naman at pina-alis na kami, pero 4 pa ulit, 12 pa lang, saan na? eh di sa San Lazaro, magpalamig, yun. Hay, ito na talaga. Ito na. Kaya 'to! :D


Kwento naman kayo oh! Di ba kayo dumaan sa pagkabata? weh? haha

No comments: