sa aking pagkabata

may mga panahon na ninanais nating balikan ang ating nakaraan, ang ating pagkabata.

Saturday, June 21, 2008

Hindi lang to basta ordinaryong karton.

Nabasa ko ang mag kwento ni Benchie tungkol sa text cards, o sa mas malutong na pagbigkas na TEKS, at nais ko ring magbahagi ng kwento ko tungkol dito.



Kailan nga ba nagsimula yung mga teks teks na iyan?! Naalala ko nung mga panahong laman ako ng kalsada tuwing hapon, noong mga panahong hindi ko napapansin ang takbo ng oras sampu ng aking mga kalaro dahil sa paglalaro ng tagu-taguan, patintero, football, basketball, tumbang preso, baseball, pati pangangapit bahay, ay isang araw ay naipakilala sakin tong mga kartong to na puro larawan ni Eugene, Alfred, Vincent at Dennis. 6 hanggang 7 anyos pa ata ako noon, hindi na ako sigurado. Niyaya ako ng mga kalaro ko maglaro ng TEKS. Dahil wala akong alam doon, sabi ko manonood na lang ako. Tatlo silang kalaro ko, na mukhang eksperto na dun. Ano bang malay ko doon. Naaliw lang ako sa mga pagbibilang nilang i-sa, dalawa, tat-lo.. cha at pagpitik at paghagis ng mga cards. Aaah ganon pala yun, sabi ko sa aking sarili. Yung mga cards nga palang iyon ay tulad rin pala ng mga naipon ko na ng nakaraan. Sabi ko, "meron din akong mga yan!!!" Pinapanlaro pala iyon, na akala ko'y pang koleksyon lamang. Ang dami ko atang nakolekta sa mga lumipas na buwan o taon mula nung insidenteng iyon. Kilala ko na si Zenki, si Blue Blink, si Ultraman, maging si Sailormoon na noon ay pakiramdam ko na ako si Tuxedo Mask. Haha. Lahat ata ng nausong cartoons eh nalalagay sa mga cards. Masasabi ko ring marami-rami din yung naipon kong iyon. Inakala kong maiipon at matatago ko ang pinakamamahal kong koleksyong iyon. Pero nagkamali rin pala ako.

BOBO!

Yun ang sinabi ko. Pero bago pa man ako mauna sa kwento ko, itutuloy ko na ang sinasalaysay ko kanina. Pagtapos kong malaman na ganoon pala laruin ang mga teks na yan, aba eto si yabang, sumali naman! "Ilabas mo yang cards mo! Patingin kami" sabi sakin ni Ungas#1. E di nilabas ko. Namangha naman ang mga Ungas sa dami ng koleksyon kong malutong at makintab pa, kumpara sa kanila na mga kakarampot na nga lang eh lukot at mabantot pa. "Sasali ka ba?" tanong ni Ungas#2,"walang sisihan ah!" Pumayag ako agad at sa isip ko, ano naman ang kailangang pagsisihan dun.

Ayun. naglaro kami. Eto naming si yabang nakisali pero hindi naman pala talaga marunong. Sa madaling salita, natalo ako; naubos ang koleksyon ko; nakuha ng mga ungas; inangkin na ng mga ungas; inabuso ako ng mga ungas.

BOBO!

Ayun ang sinabi ko. "Ganoon talaga ang laro! Ayos lang yan." sabi ni Ungas#3.

Hindi ko na alam kung kanino na napunta si Ultraman, si Blue Blink, si Zenki, maging si Tuxedo Mask. Meron pa atang teks cards ang Tamagochi nun pati si Chabelita. Haha. Sobrang banas na banas ako nun at nanghihinayang. Hindi naman ako naiyak dahil naubos ang cards ko at napunta sa kamay ng mga ungas pero masama loob ko at gusto kong maghiganti. Doon ko naramdaman ang ibig sabihin ng "Babangon ako't dudurugin kita".



Makalipas ang isang taon. Bakasyon na namang muli. At panahon na upang maghiganti.




"ERIK!!! LARO ULIT TAYO!!!" niyaya ako ng mga ungas.


"Sige." sagot ko, na may ngisi sa mga labi.


Nalula sila sa koleksyon ko ng NBA Cards na isang album at sa DBest 1 - Dbest 8000 ng Ghost Fighter Yu Yu Hakusho ko na inabot ng 3 albums. Hindi pa kasama dun ang iba pang editions dahil naubusan ako ng pambili ng text album.

"WOW ANG DAMI NAMAN NIYAN"sabay himas ng isa ang ungas.

"Well, koleksyon lang 'to. Hindi pa ito yung gagamitin kong panlaban sa inyo."

Nilabas ko ang isang supot ng mga duplicate ng mga koleksyon ko na dumami din dahil sa pamimigay ng mga kaklase ko sa eskwela. Kahit kami sa eskwela, adik din sa pangongolekta at pakikipaglaro ng teks, pero di rin nagtagal ay pinatigil ng eskwelahan ang paglalaro nito sa loob ng paaralan.

"O ano, laban na?" niyaya ko sila.

Ayun. Naglaban kami. At marami na rin akong panalo. Nasingil ko rin ang mga teks na binawi nila sakin.

Sabi na eh, nadurog ko rin sila isa-isa.

Lukot na nga ang lahat ng mga teks nila, pero ang sakin, mananatiling makintab at malutong, dahil aalagaan ko ito at itatago hanggang pagtanda ko. Dumami pa nga ito eh. Nang lumabas ang Fushigi Yuugi, Flame of Recca, lalong lalo na ang walang kamatayang Pokemon.

Ngayong malaki na ako, nakatago pa rin sa mga kagamitan ko tong mga teks na to. Naghihintay muling buksan ko ulit sila at masdan ang mga larawang dala-dala ng mga ito. Pero sabi ko, saka na, kapag nakabili na ako ng maganda-gandang album, i-wawagayway ko kayong lahat para buong mundo'y makita kayo.

Balita ko naman ngayon sa kapatid ko, iba na ang mga teks na nauso. Mas maliit. Mas pangit ang pagkaimprenta. At anu ba naman ang laman - Mulawin, Darna, Kamandag, Joaquin Bordado?!?! Hahaha. Hayaan na lang natin ang mga iyan sa bagong henerasyon. Basta ang teks na kinalakhan natin nuon, ay hindi lang basta mga ordinaryong karton.

2 comments:

Anonymous said...

hahaha! kulet!

"Doon ko naramdaman ang ibig sabihin ng "Babangon ako't dudurugin kita"."

--natawa lng ako sa line mong yan.haha..

SpectacledUkayQueen said...

Si Chabelita!!!! Hahaha. Wow. Master ka pala, a? Hahaha. Meron akong Magic The Gathering dati. Poser lang. 'Di ako natuto nu'n. HAHAHAH.